Friday, October 13, 2006

Ang Kapilya

ruins

ni Emiliano Dumalaog

Wala na pala ang kapilya ni San Vincente at ang gusaling kinatitirikan nito. Tanging mga tiles na lang ang natitirang bakas ng nakaraan... Ang nakaraan na naging isang munting bahagi lamang ako ngunit sa aking alaala ay puno ng karanasang espiritwal, intelektwal, pisikal at maging ang "comical".

Hindi ko malimutan ang mga eksena ng mga seminarista na ang ulo ay nauntog sa mga salaming pinto nito. Ilan beses nga ba sa kamalasan ay na-assign ako sa paglilinis ng kanyang mga salamin. Ang "wipe in, wipe out" routine na para bang hango sa pelikulang "Karate Kid" ay lubhang nagpahirap sa akin ngunit humugis naman sa aking katawan para maging ala-Ralph Maccio (meron po akong katibayan. Tingnan ninyo na lang po sa aming annual Batch '88).

Sa piling ng kapilyang ito, natutunan ko rin ang ganda at yaman ng ating pananampalataya. Ilang umaga ba kahit aantok-antok, ako ay nagtiyagang gumising upang makasama sa panalanging bumabati sa simula ng isang bagong araw? At sa gabi naman bago matulog, ang magdasal para magpasalamat sa biyayang natanggap ng nagdaang araw at sa Poong Maykapal ay ipagkatiwala ang aking sarili... sa Kanyang mabuting kalinga.

Ilang aral at pangaral nga ba ang narinig ko mula sa pulpito nito na nagsilbing gabay ko sa aking araw-araw na pamumuhay? Isa nang bakanteng lote ang dating kinatatayuan ng kapilya pero mananatili siyang haligi ng aking pagkatao.

changchun church